SYNOPSIS

 Si Vinuya ay inihabla sa salang pang-gagahasa sa l0-taong gulang na bata, kung saan kanyang itinanggi and bintang.  Habang dinidinig ang usapin, kung saan nakapaghayag na ng ilang patunay ang taga-usig, nagpahiwatig si Vinuya na gusto niyang palitan ang kanyang “pag-tanggi” sa “pag-amin” ng salang bintang.  Dahil doon, inatasan ng Hukuman ang mga tagapagtanggol ni Vinuya na ipaliwanag ng mabuti sa nasasakdal ang maaaring kalabasan ng pag-amin na gagawin.  Gayon pa man, pinanindigan ni Vinuya ang pag-amin sa krimen sa kabila ng mga paalaala ng kanyang tagapagtanggol at sa kabila ng pagtatanong ng Hukuman.  Di naglaon, nagpasya ang Mababang Hukuman na si Vinuya ay nagkasala ng pang-gagahasa.  Ang hatol na ito ay pinaghabol sa Hukuman ng Paghahabol kung saan hinihinging ipawalang bisa ang hatol, ibalik ang usapin sa mababang hukuman, payagan si Vinuya na muling palitan and kanyang “pag-amin sa sala”, at muling itakda ang paglilitis.  Subalit, ayon sa Hukuman ng Paghahabol, walang dahilan kung bakit hindi dapat sangayunan ang pasya na hindi na payagan si Vinuya na muling bawiin ang tugon.

 May mga pagkakataon na ang mga Alituntunin ng Hukuman ay dapat paluwagin para sa makatarungang pagpapasya.  Nakalahad sa ating Saligang Batas na tinuturing na walang kasalanan ang nahahabla hanggat hindi napapatunayan ang pagkakasala.  Dapat ay sinuri ng Hukuman, hindi lamang Si Vinuya, kundi ang kanyang mga tagapagtanggol para matiyak na nauunawaan ng nasasakdal ang kahihinatnan ng pag-amin sa krimen.  Ang pagpapasya ay hindi lamang kung ano ang sinasaad sa batas kundi kung ano rin ang nararapat.  Ang nasasakdal ay mayroon ding karapatang pangtao na dapat igalang, kung kaya pinapayagan namang muling ibalik ang usapin sa Mababang Hukuman at ipagpatuloy ang natigil na paglalahad ng Taga-usig bago muling palitan ni Vinuya ang kanyang tugon na aminin ang bitay.

 SYLLABUS

 1. REMEDIAL LAW; CRIMINAL PROCEDURE PLEA OF GUILTY TO CAPITAL OFFENSE; REQUIREMENTS.— Ayon sa mga Alituntunin ng Hukuman, ang sinumang nasasakdal sa pagkakasalang may taglay na parusang kamatayan, at umaming nagawa niya yaong pagkakasala ay hindi maaaring hatulan kaagad.  Itinatadhana rin ng mga Alituntunin na dapat utusan ng Hukuman ang Taga-usig o nag-sasakdal na patunayan ng walang anumang pasubali na nagawa nga nang nasasakdal ang kasalanang iniharap laban sa kanya.  Hindi sapat na sabihin lamang ng Hukuman na ang nasasakdal ay kusang-loob na umaamin sa bintang sa kanya.  Kinakailangang sa mga pag-tatanong ng Mababang Hukuman ay mabatid nito ang saloobin ng nasasakdal ukol sa kanyang pag-amin.  Ito ay kailangan upang mag-karoon ang mas mataas na Hukuman nang sapat na gabay para malaman kung totoong tunay na naunawaan at naintindihan ng nasasakdal ang kahulugan, kahalagahan at kahihinatnan ng kanyang pag-amin.  Subalit ang mga nabanggit na mga pamamaraan ay ginagawa lamang kung ang pagkakasaad ng sala sa “information” o “complaint” ay maaring ituring na “capital offense” o kasalanang may taglay na parusang kamatayan.

 2. ID.; ID.; PLEA OF GUILTY TO A NON-CAPITAL OFFENSE; WITHDRAWAL THEREOF.— Batay sa pagkakalahad ng kasalanan sa usaping isinampa laban kay Ventura ay hindi ito maituturing na “capital offense” bagkus ay “non-capital offense” lamang.  Dahil sa ang isinampa ay “non-capital offense”, ang pag-bawi ng isang nasasakdal sa kanyang tugon na pag-amin, matapos maglabas ng kapasyahan ang Hukuman, ay pinapayagan nang mga Alituntunin ng Hukuman.  Kung kaya ang pamamaraang dapat sundin ay ang itinatadhana ng Baitang 4 ng Alituntunin Bilang 116 na nagsasaad na sakaling ang isang nasasakdal na tumugon ng pag-amin sa salang isinampa, ay nagpapahintulot sa Hukuman na tumanggap ng mga patunay — hindi para patunayan pa na nagawa nga niya ang naturang sala sapagkat inamin na niya ito — kundi para alamin kung ano ang kaukulang parusa na dapat ipataw sa kanya ayon sa mga kaganapan at patunay sa usapin.  Pero ang naising tumanggap ng mga patunay ay nakasalalay sa maingat at wastong pagpapasya ng Hukuman.  Dagdag pa dito, sinasaad din sa mga Alituntunin na sa anumang panahon bago maging “final” ang kapasyahan ng Hukuman, ay maaring pahintulutan o payagan ang nasasakdal na bawiin ang kanyang tugon na pag-amin sa bintang at palitan ng hindi pag-amin.  Muli, kung papayagan ang nasasakdal na bawiin ang kanyang tugon ay nakasalalay sa matalinong kagustuhan ng Hukuman.  At ang kapasyahan ukol sa pagbawi ng tugon ay hindi karaniwang binabago ng mas mataas na Hukuman kapag walang naipakitang masidhing pagkakamali o abuso ang Mababang Hukuman.  Sa usaping ito ay walang naturang pagkakamali o abuso na nagawa ang Mababang Hukuman, kung kaya dapat sangayunan ang kapasyahan nitong hindi payagan si Ventura na bawiin at muling palitan ang kanyang tugon.

 3. ID.; ID.; LIBERAL CONSTRUCTION APPLIED IN CONSIDERATION OF THE RIGHT OF THE ACCUSED TO BE PRESUMED INNOCENT UNTIL PROVEN GUILTY.— Mayroong mga pag-kakataon kung saan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga Alituntunin ng Hukuman ay dapat paluwagin hindi lamang para sa mabilis, kung hindi higit sa lahat para sa makatarungang pag-pasya sa usapin.  Ang usaping ito, ay humikayat para muling paluwagin ang pamamaraang itinadhana ng Kataas-taasang Hukuman.  Ang Saligang-Batas na umiiral sa lipunang ating ginagalawan ay mahigpit na ipinag-babawal ang pagtatangi-tangi.  Kasing-higit sa pagtatanggol ng puri at dangal ng isang 10-taong gulang na musmos na ni hindi pa man lamang kumakatok sa pintuan ng pagiging dalagita ay ang buhay, kinabukasan at pangalan ng isang napagbintangang nakagawa ng karumal-dumal na pag-yurak sa dangal at kamusmusan ng mga walang-malay na bata, sapagkat siya ay itinuturing na walang sala hanggat hindi napapatunayang nag-kasala.  Pumapaimbulog ang paniniwalang nakalahad sa ating Saligang Batas na ituring na walang kasalanan ang sinumang inihabla hanggat hindi napapatunayan na nagkasala ng walang anumang pasubali ng ating mga hukuman. Kasama ditong mananaig ay ang pag-lapat ng katarungang dumaan sa kaukulang pamamaraang itinatadhana ng Saligang-Batas.  Ang mithiin na mga Alituntunin ay hindi ang pikit-matang ipatupad ito ng walang pakundangan. Bagkus ang mga pamamaraang dapat sundin ay inilatag para maging gabay sa pagsisiyasat tungo sa pag-alam ng mga tunay na pang-yayari na pilit itinatago sa tabing ng kasinungalingan.  Sa pagbibigay saysay sa katarungan ay kinakailangang mabatid ang lantay at payak na katotohanan sa pamamagitan ng mga patunay na nakuha lamang ayon sa pamamaraan na itinadhana at pinapayagan ng batas.

 4. CONSTITUTIONAL LAW; BILL OF RIGHTS; DUE PROCESS OF LAW; WANTING IN CASE AT BAR.— Marapat sanang sinuri nang Mababang Hukuman at tinanong ang mga tagapagtanggol ni Ventura— at hindi lamang si Ventura— para tiyakin na malinaw na naipaliwanag sa nasasakdal ang kahihinatnan ng kanyang pag-amin. Datapuwat ang pamamaraang ito ay wala sa mga Alituntunin, ang isang Hukom ay hindi dapat mag-pasya nang ayon lamang sa kung ano ang sinasaad sa batas kundi kung ano ang nararapat.  Ito ay hindi ginawa ng Mababang Hukuman.  Totoong kahindik-hindik ang salang pang-gagahasa lalo na kapag bata ang biktima, subalit ang nasasakdal, maging sino man siya, ay may mga karapatang pantao, tulad ng kaukulang pag-dinig, na dapat igalang ayon sa itinatadhana ng Saligang-Batas.  Kaya papapayagan na ibalik ang usapin sa Mababang Hukuman, hindi para muling umpisahan ang usapin, kundi ituloy na lamang ang natigil na paglalahad ng Taga-usig ng mga patunay bago palitan ni Ventura ang kanyang tugon na aminin ang bintang.  Ito’y batay na rin sa karapatang mabilis na paglitis ng usapin na itinatadhana hindi lamang ng Saligang-Batas kundi ganoon din ng “Speedy Trial Act of 1998” sa ilalim ng Republic Act No. 8493 at Supreme Court Circular 38-98.”

 APPEARANCES OF COUNSEL

 The Solicitor General for appellee.

 Rolando Bernardo for appellant.